DA-PCC Dir. Battad ibinahagi ang estratehikong branding ng ahensya sa int’l confab
Binigyang-diin ni Dr. Liza G. Battad, Executive Director III ng DA-PCC, ang mahalagang papel ng branding sa pagpapalakas ng institusyon bilang isa sa mga tampok na “plenary icon” sa Talks, Research, Understanding, and Exchange International Conference (TrUE Icon 2026) na ginanap sa University of the East (UE), Caloocan Campus noong Pebrero 12.
Sa temang “Innovating Impact: Collaboration and Sustainability in the New Global Era, Future Ready World AI,” ibinahagi ni Dr. Battad kung paano naging isang estratehikong instrumento ang branding upang higit na mapansin, maunawaan, at mapahalagahan ang mga programa at inisyatiba ng DA-PCC para sa pagpapaunlad ng industriya ng pagkakalabawan sa bansa.
Ayon sa kanya, ang branding ng DA-PCC ay hindi lamang nakatuon sa logo o visual identity. Ito ay malinaw na pagpapahayag ng misyon, bisyon, at layunin ng ahensya—isang tatak na sumasalamin sa integridad, inobasyon, at malasakit sa mga magsasaka. Sa pamamagitan ng matatag at maayos na branding, napagtitibay ang tiwala ng mga magsasaka, katuwang na institusyon, at iba’t ibang sektor na kabahagi sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain at pagpapaunlad ng kabuhayan.
Ipinunto rin ni Dr. Battad na sa panahon ng mabilis na pagbabago dulot ng teknolohiya at artificial intelligence, ang isang organisasyong may malinaw na brand identity ay mas nagiging handa sa pakikipagkolaborasyon at mas epektibong nakapaghahatid ng serbisyo. Aniya, ang tunay na impact ay nagmumula sa kolaborasyon, kredibilidad, at malasakit—mga elementong nagbibigay-buhay sa isang tatak na may saysay at paninindigan.
Sa kanyang pagbabahagi, muling pinatunayan, aniya, ng DA-PCC na ang ahensya ay hindi lamang nangunguna sa pagpapatupad ng mga programa para sa industriya ng kalabaw, kundi aktibong binubuo at pinagtitibay ang imaheng nakaugat sa serbisyo publiko, makabagong kaalaman, at malasakit sa bawa’t Pilipinong magsasaka. [Ni: Sef Cari]







